Ni Minde
Nyl Dela Cruz
Ang unveiling ng pambansang pananda sa labas ng lumang tahanan ng dating senador na si Soc Rodrigo na pinangunahan ni Gob. Wilhelmino M. Sy-Alvarado (kanan). |
Itinaon sa
ika-100 guning pag-alala sa pagsilang ni dating Senador Francisco
"Soc" Rodrigo ang paglalagay ng pambansang pananda sa kanyang bahay
sa Bulakan, Bulacan nitong ika-29 ng Enero, 2014.
Ito ay
dinaluhan ng kanyang naiwang maybahay na si Remedios Rodrigo at anak na si
Atty. Francisco "King" Rodrigo Jr., kasabay ng kanilang pagtanggap sa
nasabing pananda.
Kabilang
sa mga dumalo sa pagtitipon si Veronica Dado, ikalawang patnugot tagapagpaganap
ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas (PKPP) at Alex Balagtas ng
PKPP-Bulacan at Zambales.
Kasama rin
sa mga dumalo si Gob. Wilhelmino Sy-Alvarado, Bise Gob. Daniel Fernando, Bokal
Ayie Ople, Punongbayan ng Bulakan Patrick Meneses, bise niyang si Albert Bituin
at Konsehal Piccolo Meneses.
Ang maybahay ng dating senador na si Remedios Rodrigo (kaliwa) at anak nilang si Atty. King Rodrigo (kanan). |
Ipinaabot
ni King Rodrigo, na nagsalita para sa kanyang ina, ang pasasalamat sa komisyon
sa parangal na ibinigay sa kanyang ama.
"Ang
mas makabuluhan pong pagdangal na pwede nating ibigay kay Soc Rodrigo ay ang
tularan natin ang simulaing kanyang ipinaglaban para sa Diyos at sa
bayan," turan niya.
Ayon kay
King, ipinagkaloob ng Diyos sa kanyang ama ang katangiang ibinibigay lamang sa
iilang tao: ang magkaroon ng lakas ng loob na gumawa ng tama kahit gaano ito
kahirap.
Dagdag
niya, kaya rin ng marami sa atin na baguhin ang ating kalagayan ng ating bayan
kung tayo ay magsasama-samang mag-alay ng buhay.
Inihalintulad
niya ito sa kwento ng isang heneral na nagsindi ng isang palito ng posporo at
hinikayat ang kanyang libu-libong kawal na gawin din ito upang bigyan ng sapat
na liwanag ang madilim na bulwagan, simbolo na ang pagsasama-sama ng maliit ay
magdudulot ng malaking pagbabago.
Binanggit
din ng manananggol na isama sa nilalaman ng pananda ang katagang 'makata' at
ang pagtatapos ni soc Rodrigo sa pampublikong paaralang elementarya ng Bulakan.
Sa isang
panayam, sinabi ni Balagtas na pag-aaralan ito ng komisyon ngunit kung
babaguhin man ang nilalaman ng pananda ay hindi muna ngayon dahil kalalagay
lamang nito.
Sa kanyang
pananalita naman, sinabi ni Sy-Alvarado na nasa dugo ng mga Bulakenyo ang
katapangan at kadakilaan.
Ibinigay
niyang halimbawa ang mga bayaning sina Marcelo H. Del Pilar at Mariano Ponce na
pawang mga taga-Bulacan at nakapag-ambag ng malaki para sa bayan.
Samantala, nasa pag-aari ng pribadong pamilya ang bahay ng mga Rodrigo matapos itong maibenta.
Isa
umanong hakbang upang maibalik ang pagmamay-ari ng bahay sa mga Rodrigo at
maisama sa tala ng heritage houses ang paglalagay ng pambansang pananda, ani
Balagtas.
Kasabay
nito ang pakikipag-ugnayan ng komisyon sa kasalukuyang may-ari ng lumang bahay.
Subalit sa
ngayon, sa tarangkahan lamang muna ng bahay maikakabit ang pananda.
Kung sakali
umano na hindi mabili ulit ang bahay, ililipat ang pananda sa isa sa mga
lupaing nasa pangalan ng mga Rodrigo o sa Bulacan State University-Meneses
Campus kung saan ang lupang kinatitirikan nito ay donasyon ng pamilya ng dating
senador.
Maari din
umanong ilipat ito sa pinaplanong historical park sa harap ng munisipyo ng
Bulakan kasama ang isang busto ng senador sa gagawing open museum, ayon pa kay
Balagtas.
Dagdag pa
niya, asahang gagawin ng komisyon ang lahat upang mapangalagaan ang hitsura ng
bahay upang hindi ito masira.
Bukod sa
pagiging senador, si Soc Rodrigo ay isa ring manananggol, guro, makata at
manunulat. Nakipaglaban siya sa panahon ng Batas Militar at itinaguyod ang
wikang Filipino sa kanyang mga panulat. ###