Wednesday, January 29, 2014

Pambansang Pananda, ikinabit sa dating tahanan ni Soc Rodrigo


Ni Minde Nyl Dela Cruz

Ang unveiling ng pambansang pananda sa labas ng lumang tahanan ng dating senador
na si Soc Rodrigo na pinangunahan ni Gob. Wilhelmino M. Sy-Alvarado (kanan).

Itinaon sa ika-100 guning pag-alala sa pagsilang ni dating Senador Francisco "Soc" Rodrigo ang paglalagay ng pambansang pananda sa kanyang bahay sa Bulakan, Bulacan nitong ika-29 ng Enero, 2014.

Ito ay dinaluhan ng kanyang naiwang maybahay na si Remedios Rodrigo at anak na si Atty. Francisco "King" Rodrigo Jr., kasabay ng kanilang pagtanggap sa nasabing pananda.

Kabilang sa mga dumalo sa pagtitipon si Veronica Dado, ikalawang patnugot tagapagpaganap ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas (PKPP) at Alex Balagtas ng PKPP-Bulacan at Zambales.

Kasama rin sa mga dumalo si Gob. Wilhelmino Sy-Alvarado, Bise Gob. Daniel Fernando, Bokal Ayie Ople, Punongbayan ng Bulakan Patrick Meneses, bise niyang si Albert Bituin at Konsehal Piccolo Meneses.

Ang maybahay ng dating senador na si Remedios Rodrigo (kaliwa)
at anak nilang si Atty. King Rodrigo (kanan).

Ipinaabot ni King Rodrigo, na nagsalita para sa kanyang ina, ang pasasalamat sa komisyon sa parangal na ibinigay sa kanyang ama.

"Ang mas makabuluhan pong pagdangal na pwede nating ibigay kay Soc Rodrigo ay ang tularan natin ang simulaing kanyang ipinaglaban para sa Diyos at sa bayan," turan niya.

Ayon kay King, ipinagkaloob ng Diyos sa kanyang ama ang katangiang ibinibigay lamang sa iilang tao: ang magkaroon ng lakas ng loob na gumawa ng tama kahit gaano ito kahirap.

Dagdag niya, kaya rin ng marami sa atin na baguhin ang ating kalagayan ng ating bayan kung tayo ay magsasama-samang mag-alay ng buhay.

Inihalintulad niya ito sa kwento ng isang heneral na nagsindi ng isang palito ng posporo at hinikayat ang kanyang libu-libong kawal na gawin din ito upang bigyan ng sapat na liwanag ang madilim na bulwagan, simbolo na ang pagsasama-sama ng maliit ay magdudulot ng malaking pagbabago.

Binanggit din ng manananggol na isama sa nilalaman ng pananda ang katagang 'makata' at ang pagtatapos ni soc Rodrigo sa pampublikong paaralang elementarya ng Bulakan.

Sa isang panayam, sinabi ni Balagtas na pag-aaralan ito ng komisyon ngunit kung babaguhin man ang nilalaman ng pananda ay hindi muna ngayon dahil kalalagay lamang nito.

Sa kanyang pananalita naman, sinabi ni Sy-Alvarado na nasa dugo ng mga Bulakenyo ang katapangan at kadakilaan.

Ibinigay niyang halimbawa ang mga bayaning sina Marcelo H. Del Pilar at Mariano Ponce na pawang mga taga-Bulacan at nakapag-ambag ng malaki para sa bayan.

Samantala, nasa pag-aari ng pribadong pamilya ang bahay ng mga Rodrigo matapos itong maibenta.

Isa umanong hakbang upang maibalik ang pagmamay-ari ng bahay sa mga Rodrigo at maisama sa tala ng heritage houses ang paglalagay ng pambansang pananda, ani Balagtas.

Kasabay nito ang pakikipag-ugnayan ng komisyon sa kasalukuyang may-ari ng lumang bahay.

Subalit sa ngayon, sa tarangkahan lamang muna ng bahay maikakabit ang pananda.

Kung sakali umano na hindi mabili ulit ang bahay, ililipat ang pananda sa isa sa mga lupaing nasa pangalan ng mga Rodrigo o sa Bulacan State University-Meneses Campus kung saan ang lupang kinatitirikan nito ay donasyon ng pamilya ng dating senador.

Maari din umanong ilipat ito sa pinaplanong historical park sa harap ng munisipyo ng Bulakan kasama ang isang busto ng senador sa gagawing open museum, ayon pa kay Balagtas.

Dagdag pa niya, asahang gagawin ng komisyon ang lahat upang mapangalagaan ang hitsura ng bahay upang hindi ito masira.

Bukod sa pagiging senador, si Soc Rodrigo ay isa ring manananggol, guro, makata at manunulat. Nakipaglaban siya sa panahon ng Batas Militar at itinaguyod ang wikang Filipino sa kanyang mga panulat. ###

No comments:

Post a Comment